
Binigyan ng mabunying paggunita ang ika- 96 na taong Anibersaryo ng kapanganakan ng dakilang mamamahayag at dating Kalihim ng Paggawa na si Gat Blas Ople, na ginanap sa harap ng kanyang monumento sa Gat Blas F. Ople Sentro ng Kabataan, Sining at Kultura ng Bulacan sa Lungsod ng Malolos, kamakailan.
Sa nasabing okasyon ay nagpahayag ng madamdaming mensahe ang kanyang anak at kasalukuyang Kalihim ng Department of Migrant Workers, na si Maria Susana “Toots” Ople, na nagsasaad na tutuparin niya ang kanyang mga tungkulin sa bayan nang may tapat na puso at mananatiling mapagpakumbaba sa lahat ng oras.
Mula naman kay Bulacan Gov. Daniel Fernando, “sa ngalan po ng mamamayang Bulakenyo at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, malugod po nating ginugunita ang ika-96 na taong Anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Blas F. Ople. Espesyal po ang araw na ito dahil isinilang ang isang dakilang Bulakenyo na kampeon sa puso ng sambayanang Pilipino. Isang huwarang lingkod bayan na may pagmamahal sa ating inang bayan at tunay na kumalinga sa mga maralita.”
Tsk! Tsk! Tsk! Batay sa kanyang naiulat na kasaysayan, si Blas Fajardo Ople, ay ipinanganak sa Bayan ng Hagonoy, Lalawigan ng Bulacan, noong ika-3 ng Pebrero, 1927, isang mamamahayag at pulitiko na humawak ng ilang matataas na posisyon sa mga sangay na ehekutibo at lehislatibo ng gobyerno ng Pilipinas, Siya ang Ama ng Labor Code, ang pinakamatagal na Ministro ng Paggawa at Pagtatrabaho (19 na taon), ang unang Pilipino na nahalal na Pangulo ng International Labor Organization (ILO,) sa ika-60 General Assembly nito kung saan siya ay ginawaran ng Gintong Medalya ng Pagpapahalaga..
Ople initiated the overseas employment in 1976, na mula noon ay naging pangunahing tagapagtaguyod ng ekonomiya ng Pilipinas. Siya rin ang naging ama ng National Manpower and Youth Council (TESDA ngayon) upang isagawa ang training program para sa mga skilled workers. Naging Pangulo ng Senado mula 1999 hanggang 2000, at bilang Kalihim ng Ugnayang Panlabas mula 2002 hanggang sa kanyang kamatayan noong ika- 14 ng Disyembre, 2003, sa Taoyuan, Taiwan.
Dahil sa pagbibigay ng puwang noon na makapagtrabaho sa ibayong dagat ang mga Pilipino, ang inyong Katropa ay naging isang Overseas Contract Workers (OCW,) na binago kalaunan at naging Overseas Filipino Workers (OFW,) sa Gitnang Silangan, 1988-1995. Mabuhay ka Ama ng mga Bagong Bayani saan ka man naroroon!