
CONGRATULATIONS and good luck kay Atty. Ma. Lourdes “Des” Mangaoang na itinalagang hepe ng X-Ray Inspection Project (XIP) unit ng Bureau of Customs (BOC). Mula Customs-NAIA Passenger Services bilang Deputy District Collector, si Atty. Des Mangaoang ay balik-XIP na maraming taon pinamunuan ang naturang kontrobersyal na tanggapan. Para sa akin, ito ang pinakamagandang maitatalang kasaysayan sa bakuran ng Bureau of Customs ngayong 2023—ang pagbabalik ni Atty. Des Mangaoang sa XIP. Matagal na rin naman namayagpag sa kanilang iligal na aktibidad ang ilang tiwaling miyembro ng XIP. Hindi maitatago. Dahil bistado ng umaangal na mga kritiko na may transaksyon sa Port of Manila (POM). Ang tanong lang natin sa taga-XIP. Totoo ba na masyadong mataas ang halaga ng tara ninyo na aabot P15K to 25K pataas sa bawat container van? Puwersahan ang tarahan sa erya ninyo. Kaya marami rin brokers at importers ang nagrereklamo. Matindi! Grabe! Tsk, tsk, tsk! Kaya tiyak, sa muling pagpasok ni Atty. Mangaoang sa XIP, matatakot nang gumawa ng katiwalian ang mga kolokoy na sinasabing madalas “makaladkad ang pangalan sa mga kabulastugan.” Harinawa ay tumino na sila sa pamumuno ni Atty. Des Mangaoang! Pero alam ba ninyo? Higit na eksperto o dalubhasa si Atty. Mangaoang magpatakbo at lalong angkop ang kanyang matinding kakayahan at katapatan na maging Chief ng XIP kumpara sa ilang Customs officials na naging pinuno rin? At sobrang kuwalipikado sa posisyon at kahanga-hanga ang kalidad ng pagsisilbi ni Atty. Mangaoang. Opo! Paulit-ulit napatunayan at maipagmamagaling natin ang katotohanang ‘yan! Sa katunayan, kung hindi ako nagkakamali, “nagsunog pa ng kilay” sa ibang bansa si Atty. Des Mangaoang para lamang pag-aralan na maipatupad ang epektibong pagsusulong ng kampanya kontra ismagling, pagdetek ng kontrabando at maayos na pamumuno’t pamamahala ng XIP. At ang nakakabilib, malaki rin ang takot ng ilang tiwaling waterfront stakeholders na nagbabalak magpalusot ng smuggled shipments, lalona ang mga notoryus na kontrabandista kay Atty. Mangaoang. Kasi, may kasamang tapang at malasakit ang paglilingkod ng tinutukoy nating beteranong Customs Collector at de-kalidad na abogada para sa seryosong layunin na patuloy bigyang proteksyonan ang interes ng ating gobyerno. Kaya ang Kamangha-manghang bunga nito, sa panahon ng pamumuno ni Atty. Des Mangaong sa XIP, aba, e, miski isang pirasong maliit na smuggled item na “hugis karayom” ay hindi nakalusot o nakapuslit sa kanilang scanning o X-ray machines na 24/7 nakadeploy sa lahat ng daungan ng Customs. Sa totoo lang, bihira ang galing at dedikasyon na meron si Atty. Des Mangaong! Pero ‘eto ang nakakadismayang kuwento. Nang mawala na si Atty. Mangaoang sa XIP unit kaugnay ng ipinatupad na “reporma kuno” ng ahensya, magkahiwalay na taon na may insidenteng naipuslit na bilyones shabu shipments sa MICP, especially sa pamumuno nina dating Customs Commissioners Nick Faeldon at Sid Lapena. Nakakagulat, ‘di ba? Gumimbal sa publiko ang balitang ito. Naging mainit at kontrobersyal na isyu. Kaya naman pinagpiyestahan ng media. Hanggang makarating sa Senado. Magkasunod na pangyayari ito. Nagkaroon ng serye ng pagdinig sa Komite na pinamumunuan ni dating Senator Richard Gordon—ang Senate Blue Ribbon Committee. Magkahiwalay na taon ginisa sa hearing Sina Comms. Faeldon at Lapena. Hindi rin nakaligtas sa imbestigasyon ng Senado maging ang dating naging mga pinuno ng XIP. Lumitaw sa pagsisiyasat na may pagkukulang at naging palpak sila sa tungkulin. At sa puntong ito pumasok si Atty. Mangaoang. Dahil eksperto sa makabagong pamamaraan sa pagdetek ng mga kontrabando sa pamamagitan ng X-ray o scanning machines, inimbitahan si Atty. Mangaoang ni Senator Gordon upang maging resource person sa pagdinig ng bilyun-bilyong halagang shabu shipments na nailusot sa Customs-MICP. At punto por punto. Nasagot at naipaliwanag mabuti ni Atty. Mangaoang ang lahat ng tanong ng mga Senador na miyembro ng Komite ni Sen. Gordon tungkol sa tamang kaalaman, pagkontrol, mabisang paraan, teknik, diskarte upang madaling makita sa X-ray machines ang imahe ng iligal na mga kargamento, especially illegal drugs. Bumilib ang mga Senador kasunod ang kanilang mga palakpak. Yun na! Tapos ang kuwento! Hehehe! Again, congratulations and good luck, Atty. Des Vil Mangaoang! Mabuhay ka, Bossing!