
Nitong nakaraang isyu ay naisulat natin ang mga gawi ng mga sutil na drayber ng motorsiklo, mapa-‘single’ man o ng mga pampasaherong tricycle. Mga walang habas na magmaneho na tila mga kidlat sa pagmamadali at pagsingit sa mga pagitan ng mga kotse at sa pag-overtake na kadalasan ay nakakapinsala sa kapwa sasakyan at mitsa ng panganib sa buhay ng ibang tao.
Dahil dito ay napansin ko ang kakulangan ng mga taong dapat ay sumusubaybay sa mga pasaway na ito, partikular na nagmumula sa Tanggapan ng Land Transportation Office (LTO.) Nasaan ang mga tao ng LTO? Ilan beses ba kayo nagmamanman sa gawi ng mga pasaway sa lansangan?
Alamin natin ang ilan sa misyon ng LTO. Ito ay ang maglagay ng kaayusan sa mga kalsada. Hindi lamang magrehistro ng mga sasakyang de-motor; mag-isyu ng mga lisensya at permit, kundi magpatupad ng mga tuntunin at regulasyon sa transportasyong panlupa at hatulan ang mga kaso ng trapiko; at sa proseso, nangongolekta ng mga kita para sa gobyerno.
Napansin ko ang kakulangan ng bilang ng mga taong mula sa LTO, para harapin ang mga sutil na mga drayber na ating nabanggit. Kung may kakulangan, bakit hindi kayo magdagdag ng mga tauhan na magmamanman sa mga pangunahing kalsada ng isang barangay o bayan, at maaaring maisama sa mga ‘checkpoint’ na kadalasang isinasagawa ng Philippine National Police o ng isang barangay? Sa ganitong paraan ay mababawasan ang mga pasaway na gawi ng mga drayber na naka-motor.
Tsk! Tsk! Tsk! Anong ahensiya ba ng pamahalaan ang dapat na humarap sa mga gawi ng mga drayber na naturan? Dapat ba tayong magbulag-bulagan na lang sa mga karahasan nating nakikita sa kalsada, na kinasasangkutan ng mga ‘maleducadong’ drayber ng motorsiklo? Hanggang sa muli.