
Isang kahanga-hangang tagumpay para kay Claudette Anne Aguila, graduate ng Youth Internship Program on Organic Agriculture (YIPOA) Batch 2, nang mailunsad nitong Pebrero ang kanyang farm na Simula Agricultural Farm bilang isa sa mga bagong Learning Site for Agriculture (LSA) ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON.
Mula sa pagiging isang intern ng YIPOA, si Claudette, na isang kabataang magsasaka mula sa Calamba City, Laguna, ay isa nang ganap na farmer-cooperator — patunay aniya na hindi basehan ang edad, kundi ang puso sa agrikultura.
Matatandaang noong siya ay intern ng YIPOA, naitalaga siya sa Adhika Nature Farm sa Majayjay, Laguna. Dito niya natutunan ang mas malalim na kaalaman at praktikal na kasanayan sa pag-oorganiko—mula sa wastong produksyon ng gulay at mga halamang herbal, pangangalaga ng lupa, hanggang sa epektibong pagma-market ng mga ani.
Sa tulong ng YIPOA at sa kanyang dedikasyon, unti-unting napaghusay ang kanyang kaalaman ukol sa organikong pagsasaka.
Tampok sa kanyang sakahan ang iba’t ibang uri ng gulay na kanyang itinatanim at direktang mina-market.
Bilang isang Agribusiness graduate mula sa University of the Philippines Los Baños, siya mismo ang nangangasiwa sa marketing at pagbebenta ng kanyang mga produkto. Aktibo niyang dinadala ang kanyang ani sa mga Kadiwa ng Pangulo outlet at nakikilahok sa iba’t ibang trade fairs na inisyatibo ng DA at iba pang kumpanya sa Laguna. Dahil dito, mas lumalawak ang kanyang merkado at mas maraming mamimili ang naaabot ng kanyang mga sariwa at de-kalidad na produkto.
Hindi nagtatapos sa produksyon at pagbebenta ang kanyang misyon. Patuloy siyang nagpapalawak ng kaalaman sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagsasanay at seminar na inihahandog ng DA at DA-ATI CALABARZON.
Mula sa pagiging intern, ngayon ay isa na siyang huwarang kabataang magsasaka at lider sa larangan ng organikong pagsasaka. Ang kanyang kuwento ay malinaw na patunay na sa tamang pagsasanay, determinasyon, at suporta, ang kabataan ay may mahalagang papel sa pagsusulong ng makabago at sustenableng agrikultura.







