
Kayang magtanim ng masustansyang pagkain sa limitadong espasyo at gawin itong kabuhayan — ito ang babaunin ng mga kalahok na kababaihang person deprived of liberty (PDL) mula sa katatapos na “Kabilang Ka, Juana: Seminar on Inclusive Community Urban Gardening for Women Deprived of Liberty” na inihatid ng DA-ATI CALABARZON.
Bahagi ang aktibidad ng pagdiriwang ng National Women’s Month, na layong suportahan ang reintegrasyon sa komunidad ng mga kababaihang PDL sa Cavite Provincial Jail, Trece Martires City, noong Marso 10-11, 2026.
Sa loob ng dalawang araw, ibinahagi sa 27 kalahok ang iba’t ibang teknolohiya sa urban agriculture, pamamahala sa isang community urban garden, at paggawa ng mga organikong pataba at pestisidyo. Sa tulong ito ng mga tagapagtalakay mula sa DA-ATI CALABARZON na sina Engr. John Mendoza (Training Specialist I), Bb. Cristine Jan Beler (Technical Support Staff II), at G. James Gabriel Bawisan (Administrative Support Staff III).
“Kahit pala sa maliit na lugar, makakapagtanim tayo ng mga gulay. And ‘yung mga nasa paligid natin is useful para ‘yung mga p’wede nating i-recycle gaya ng plastic bottles na pagtataniman, ultimo ‘yung mga talbos at hinog na prutas o gulay ay magagamit sa paggawa naman ng organic concoctions. Kung anuman ‘yung natutunan natin dito, dalhin natin hanggang sa paglabas at i-share din natin siya sa family natin,” ani isang kalahok.
Dumalo at nagbigay ng mensahe sina Center Director Dr. Rolando Maningas at Provincial Warden JCInsp. Candelario Warllie Hermo. Kapwa nila binigyang-diin ang pagiging inklusibo ng agrikultura at ang potensyal nitong makapagbigay ng bagong pag-asa at kabuhayan.
Inaasahan namang magpapatuloy ang kolaborasyon ng DA-ATI CALABARZON at Cavite Provincial Jail upang maitatag ang sustenableng community urban garden sa pasilidad.






