

IMUS, Cavite – Hindi lang pangangampanya kundi isang aktwal na dayalogo sa mamamayan ang idinaos sa Imustahan, Kapehang may Puso noong Marso 17, 2025, sa Villa Emilia Farm. Pinangunahan ito ni Congressman Emmanuel “Manny” Maliksi, kasama sina mayoralty candidate Robert Rey Lacson at mga kandidato sa Sangguniang Panlungsod, na naglaan ng oras upang marinig ang hinaing ng kanilang mga kababayan at magbigay ng konkretong tugon. Isa sa mga usaping umani ng matinding reaksyon ay ang health card program ng lungsod. Marami ang nag-akala na ito’y para sa lahat, ngunit ayon kay Lacson, tanging mga nagbabayad ng amilyar ang makikinabang dito. “Akala ko libre ito para sa lahat ng Imuseño,” wika ng isang dumalo. Dahil dito, inilahad ng Team Imus ang kanilang plano na palawakin ang saklaw ng programa upang maabot din ang mga walang kakayahang magbayad ng amilyar. Sisikapin nilang maghanap ng karagdagang pondo upang matiyak na walang residenteng maiiwan pagdating sa serbisyong pangkalusugan. Bukod sa usaping pangkalusugan, lumutang din ang problema ng mga kooperatiba sa Imus, na ayon kay Councilor Atty. Dulce Saquilayan Delmo, ay nahihirapang manatiling operasyonal dahil sa kakulangan ng suporta mula sa lokal na pamahalaan. Marami sa mga ito ang napipilitang magsara dahil walang natatanggap na ayuda o sapat na pagsasanay upang mapalakas ang kanilang negosyo. Bilang tugon, iminungkahi ni Atty. Delmo ang pagbibigay ng mas malaking pondo, mas marami at mas epektibong training programs, at ang pagtatatag ng isang Cooperative Assistance Program na magsisilbing tulay sa pagitan ng gobyerno at mga kooperatiba. Sa harap ng mga isyung ito, ipinakita ng Team Imus na hindi lang sila narito upang mangako kundi upang maglatag ng kongkretong solusyon. Dumalo rin sa kapehan sina Councilors Rupert “Kidbukid” Campaña, Oscar “Oca” De Quiroz, Raymond “Monmon” Arguelles, Antonio “LA” Deocadis, Emilio “Miong” Aguinaldo V, Daryl “Dada” De Ocampo, Clark “Claro” Dominguez, Jelyn Maliksi, Vincent “Vince” Amposta, at Don Carlo “Don-Don” Yambao, na lahat ay nagbigay ng kanilang pananaw at mga mungkahing programa. Sa pagtatapos ng talakayan, tiniyak ni Congressman Maliksi na ang kanilang kampanya ay hindi lamang tungkol sa eleksyon kundi sa patuloy na paglilingkod sa mamamayan. “Ang ating misyon ay ipagpatuloy ang Maliksing Serbisyo—isang gobyernong bukas, tapat, at nakikinig sa pangangailangan ng bawat Imuseño,” aniya. Sa pamamagitan ng Imustahan, Kapehang may Puso, patuloy nilang titiyakin na ang boses ng mamamayan ay may direktang daan patungo sa mga gumagawa ng desisyon para sa mas maunlad na Imus. (Joy V. Estrellado)