
𝗢𝗨𝗧𝗥𝗘𝗔𝗖𝗛 𝗣𝗥𝗢𝗚𝗥𝗔𝗠, 𝗡𝗔𝗚𝗛𝗔𝗧𝗜𝗗 𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗔𝗧 𝗣𝗔𝗚-𝗔𝗦𝗔 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗜𝗟𝗬𝗔 𝗔𝗧 𝗞𝗔𝗕𝗔𝗧𝗔𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗥𝗜𝗭𝗔𝗟, 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗘𝗖𝗜𝗝𝗔
Facts And Figures (June 30, 2026) — Pinagtibay ng PAPER.PH, Inc., Tactical Operations Group 3 ng Philippine Air Force (TOG 3 PAF), at Face to Face Church ang kanilang malasakit sa komunidad sa pamamagitan ng isang community outreach program na isinagawa noong June 27, 2026 sa Sitio Nambabakalan, Barangay General Luna, Rizal, Nueva Ecija.
Bilang bahagi ng programa, namahagi ang mga katuwang na organisasyon ng iba’t ibang pangunahing pangangailangan sa mga residente, kabilang ang hygiene kits, lunch boxes, sabon, toothbrush at toothpaste, mga damit, sapatos, bag, planggana, tabo, hanger, at mga pagkain. Naglaan din sila ng almusal at tanghalian para sa mga pamilyang nakiisa sa aktibidad.
Hindi bababa sa 30 mag-aaral ang tumanggap ng hygiene kits at lunch boxes bilang suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa pagpasok sa paaralan. Samantala, pinagkalooban naman ng planggana, tabo, at hanger ang mga ina ng komunidad upang makatulong sa kanilang mga gawaing-bahay.
Ayon sa PAPER.PH, Inc., ang lahat ng ipinamahaging tulong ay nagmula sa sama-samang ambagan, boluntaryong kontribusyon, at personal na pagsisikap ng mga opisyal at miyembro ng organisasyon bilang bahagi ng kanilang patuloy na adbokasiya sa paglilingkod sa mga komunidad na nangangailangan.
Naging katuwang ng organisasyon sa outreach activity ang Tactical Operations Group 3 ng Philippine Air Force sa pamumuno ni Col. Juji Grant D. Generalao, PAF (GSC), Group Commander ng TOG 3 PAF, gayundin ang Face to Face Church na pinamumunuan ni Ms. Sharry Ann S. Ganareal.
Ipinamalas ng magkatuwang na inisyatibang ito ang kapangyarihan ng pagtutulungan ng mga pribadong organisasyon, simbahan, at mga institusyon ng pamahalaan sa paghahatid ng makabuluhang serbisyo, pag-asa, at suporta sa mga pamilyang higit na nangangailangan.




